Mister sinaksak dahil sa utang
September 6, 2006 | 12:00am
SAN LORENZO RUIZ, Camarines Norte Kasalukuyang nasa kritikal na kalagayan ang isang mister na sinaksak ng mag-ama makaraang tumangging magbayad ang biktima sa naganap na karahasan sa Barangay Dagot Dotan sa bayan ng San Lorenzo Ruiz, Camarines Norte, kamakalawa. Lumuwa ang bituka ng biktimang si Isabelo Ilagan ng Barangay Langga, samantalang sugatan din ang mag-amang Jose at Jun Betito ng nabanggit na barangay. Ayon sa pulisya, naniningil si Jose sa pagkakautang na P20 ng biktima, subalit nagalit ito at nauwi sa komprontasyon hanggang sa maganap ang pananaksak. Kahit sugatan si Ilagan ay nagawa pang saksakin ang mag-ama. (Francis Elevado)
SAMPALOK, Quezon Naging mitsa ng kamatayan ng isang 29-anyos na magsasaka ang kalakasan sa pag-inom ng alak makaraang pagtulungang saksakin hanggang sa mapatay ng dalawang kainuman nito sa Barangay Banot, Sampalok kamakalawa ng hapon. Kinilala ng pulisya ang biktimang nasawi na si Boyet Alfuerto, samantalang nadakip naman ang isa sa suspek na si Napoleon Arasa, 39, ng Barangay San Bueno. Lumalabas sa pagsisiyasat ni PO1 Eduardo Mancenido, na nag-iinuman ang mga suspek sa bahay ng isang Marcelino Dayo nang biglang dumating ang biktima at nakihalo sa kanila. Dahil sa malakas uminom ng alak ang biktima, sinita ito ng dalawa hanggang sa mauwi sa komprontasyon hanggang sa pagtulungang gulpihin at pagsasaksakin si Alfuerto. (Tony Sandoval)
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Isang 19-anyos na mister ang iniulat na nasawi makaraang makuryente habang nagnanakaw ng kableng nakakabit sa simbahan sa Barangay Larag sa bayan ng Jose Panganiban, Camarines Norte, kahapon ng madaling-araw. Hindi na umabot sa ospital ang biktimang si Dennis Busido, samantalang nadakip naman ang kasamahang si Arnel Barrios, 37, kapwa residente ng Barangay Macogon, Labo, Camarines Norte. Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya, ganap na alas-3:30 ng madaling-araw nang isagawa ng dalawa ang pagnanakaw ng kable ng kuryente, subalit sa hindi inaasahang pagkakataon ay nahawakan ni Busido ang talop na linya ng kuryente kaya naganap ang insidente. (Ed Casulla)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest