1 army, 2 rebelde dedo sa encounter

Camp Aguinaldo – Isang sundalo at dalawang miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang napaslang sa magkakahiwalay na sagupaan sa pagitan ng tropa ng mga sundalo at ng komunistang grupo sa Compostella Valley at Agusan del Norte, kamakalawa.

Ayon kay Army Spokesman Major Ernesto Torres Jr., dakong alas-12:45 ng hapon habang nagsasagawa ng combat patrol ang mga elemento ng Alpha at Bravo Company ng Army’s 28th Infantry Battalion (IB) sa Sitio Cabukugan sa Brgy. Magaplaway, Pantukan, Compostella Valley ng makasagupa ang may 50 rebelde na pinamumunuan ni Lando Eduardo Gehelsa alyas Ka Dante.

Tumagal ang putukan ng mahigit 30 minuto na ikinasawi ni Pfc Abdulmanwah Jaanir kung saan ay mabilis na nagsi-atras sa sagupaan ang mga rebelde matapos na mamataan ang reinforcement troops ng tropang gobyerno.

Dakong alas-6 naman ng gabi kamakalawa ng makaengkuwentro ng army’s 23rd IB ang may sampung rebelde sa liblib na lugar ng Sitio San Vicente, Brgy. Sangay, Buenavista, Agusan del Norte. Nabatid na nasabat ng tropa ng militar sa pamumuno ni Pfc Gregorio Mandalong ang grupo ng isang tinukoy sa alyas na Commander Nards sa bisinidad ng naturang lugar na nagbunsod sa bakbakan na ikinasawi ng dalawa sa mga kalaban. (Joy Cantos)

Show comments