4 Sayyaf kidnappers dedo sa shootout

CAMP CRAME – Napatay sa shootout ang apat na miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na pumugot sa ulo ng isang lalaking kidnap-victim habang matagumpay namang nailigtas ang ina ng huli na isa ring negosyante sa ginawang rescue operations ng mga awtoridad sa Jolo, Sulu kamakalawa.

Kinilala ang nailigtas na bihag na si Jacklyn Selvin, 53 anyos, ina ng biktimang pinugutan na si Jeffrey Selvin. Ang pugot na ulo ni Jeffrey ay natagpuan dakong alas-6 ng umaga nitong Sabado sa harapan ng himpilan ng pulisya sa downtown ng Jolo ng nasabing lalawigan.

Batay sa report ni Joint Task Force Comet Commander Brig. Gen. Alexander Aleo, kasalukuyan namang inaalam ang mga pangalan ng napaslang na kidnappers ng mag-ina.

Isa ring opisyal ng pulisya ang napatay habang dalawa pa ang nasugatan matapos na makasagupa ang mga kidnapper ng mag-inang Selvin sa isang magubat na bahagi ng Jolo. Sinabi ni Col. Pablo Lorenzo ng Army’s 104th Brigade na agad silang nagsagawa ng pursuit operations kasama ang mga elemento ng pulisya laban sa grupo ng mga bandidong kidnapper na nakasagupa ng kanilang puwersa sa katimugang bahagi ng Jolo.

Sa palitan ng putok ay napatay ang apat sa mga kidnapper na nagresulta sa pagkakabawi sa nasabing bihag. Ang mga bandido ay mabilis na nagsitakas matapos na mapatay sa engkuwentro ang apat nilang kasamahan.

Magugunita na ang mag-inang Selvin na may-ari ng isang bakery shop ay dinukot ng ASG na iniuugnay sa Al-Qaeda noong Hulyo 27 sa kanilang tahanan sa Gandasuli Road sa Jolo. Ang pamilya ng mag-ina ay hiningan ng P10 milyong ransom na bumaba sa P6 milyon. Nabigong maibigay ng kanilang pamilya ang nasabing halaga na hinihinalang dahilan kung bakit brutal na pinahirapan hanggang sa pugutan ng ulo ang batang Selvin. (Joy Cantos)

Show comments