CAVITE Maagang kinalawit ni kamatayan ang isang tinedyer makaraang napagtripang saksakin at mapatay ng isang lalaki na pinaniniwalaang lango sa bawal na gamot habang ang biktima ay nakikipag-usap sa kanyang kaibigan sa Barangay Paliparan 3, Dasmariñas, Cavite kamakalawa ng gabi. Ang biktimang si Jason Victoria ng Blk 124 Lot 1 Phase 3 ay hindi na umabot pa ng buhay sa ospital dahil sa malalim na sugat ng patalim sa dibdib. Tugis naman ng pulisya ang suspek na si Mark Anthony Ramos ng Blk. 128 Lot 13 Phase 3. Ayon kay PO3 Edgar Belza, posibleng inakala ng suspek na kalabang mortal siya ng biktima kaya isinagawa ang pamamaslang.
(Cristina Timbang) Sundalo dedo sa rebeldeng sniper |
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Sinalubong ni kamatayan ang isang sundalo ng Phil. Army makaraang asintahin ng rebeldeng sniper habang ang biktima ay nagpapatrolya sa liblib na bahagi ng Barangay Buenasuerte sa bayan ng Planas, Masbate kahapon ng umaga. Sapol sa ulo ng bala ng baril ang biktimang si Pfc. George Llamasares ng 92nd Recon Coy sa ilalim ng 9th Infantry Division ng Phil. Army. Gumanti naman ang mga kasamahang sundalo ng biktima na tumagal ng 20 minutong putukan hanggang sa magsitakas ng mga rebelde. Pinaniniwalaang may nasugatang rebelde sa putukan dahil may mga patak ng dugo sa direksyon tinahak ng grupo.
(Ed Casulla) Magka-live-in tiklo sa buy-bust |
SAN FERNANDO CITY, Pampanga Bumagsak sa kamay ng pulisya ang magka-live-in na itinuturong miyembro ng sindikato ng bawal na gamot sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Quebiawan, San Fernando City, Pampanga kamakalawa. Pormal na sinampahan ng kaukulang kaso ang mga suspek na sina Antonio Caquio, 40; at Menchie Esquilon. Ayon kay P/Senior Insp. Ferdinand Germinio, ang dalawa na nasa listahan ng PNP na nagpapakalat ng droga ay naaktuhang nagbebenta sa isang poseur-buyer. Nakumpiska sa mga suspek ang dalawang plastic sachet ng shabu at P200 marked money na ginamit sa operasyon.
(Resty Salvador) Obrero dinedo dahil sa masamang titig |
QUEZON Pinaniniwalaang masamang titig kaya sinaksak at napatay ang isang 30-anyos na obrero ng isang senglot na mangingisda sa loob ng videoke bar sa Barangay Ilayang Panaon, Unisan, Quezon, kamakalawa ng gabi. Ang biktimang sinaksak sa kaliwang dibdib at patay na bago dumating sa Medicare Community Hospital ay nakilalang si Michael Rapal, samantalang tumakas naman ang suspek na si Ruel Parada. Sa pagsisiyasat ni PO2 Iver Ebina sa naganap na krimen, minasama ng suspek ang pagkakatitig sa kanya ng biktima na kasamang makikipag-inunam ng alak ng mga kaibigang sina Russel Estrada at Ricalde Jusi habang nasa kabilang mesa ang suspek. Kinompronta ng suspek ang biktima hanggang sa maganap ang pamamaslang.
(Tony Sandoval)