RIZAL, Nueva Ecija Maagang kinarit ni kamatayan ang isang 45-anyos na lalaking may kapansanan matapos na saksakin ng kanyang kaibigan dahil sa pagtatalo tungkol kay "Pacman" sa Zone 3, Barangay Portal, Rizal, Nueva Ecija, kamakalawa ng gabi. Si Rodolfo Serame y Nartates, alyas Putol ay pinagsasaksak ng suspek na si Danny Mauro, 46, bago tumakas sa hindi nabatid na direksyon. Ang dalawa ay nag-iinuman ng alak sa videoke bar nang magtalo tungkol sa pagtakbo ni Pacman bilang vice mayor ng Maynila sa darating na 2007 elections. Napayapa naman ang mainitang pagtatalo, subalit nagtanim nang galit ang suspek kaya pinaslang ang biktima.
(Christian Ryan Sta. Ana) CAMP CRAME Labing-anim na rebeldeng Moro Islamic Liberation Front ang napaulat na sumuko sa tropa ng militar sa Zamboanga del Norte. Kabilang sa mga rebeldeng sumuko kay Lt. Col. Ramon Florece ng 44th Infantry Battalion sa bayan ng Sibuco ay nakilalang sina Kumander Abdul Tarang, Thing Siddili Biong, Niron Biong, Marinan Assadi, Sua Limbas, Hamlon Basil, Abi Tanhon, Norman Jumbrani, Jayson Abdul, Sapten Ludja, Wahab Mustafa atbp. Isinuko rin ng mga rebelde ang mga armas at ilang gamit sa pakikipaglaban. Kasalukuyan sumasailalim sa tactical interrogation ng militar ang mga nagsisukong rebelde.
(Joy Cantos) Nursing student napagtripang patayin |
CAVITE Pinaniniwalaang napagtripan ng mga adik sa bawal na gamot ang isang 25-anyos na Nursing student na pagbabarilin hanggang sa mapatay habang ang biktima ay naglalakad sa madilim na bahagi ng Barangay Buhay na Tubig sa bayan ng Imus, Cavite, kamakalawa. Hindi na naisugod sa ospital si Leslie De La Cena ng Block 14 Lot 18 Shelter Town Homes, Subd. Ayon kay PO1 Wilfredo Cagalfin, bago mapatay ang biktima ay nagkarambulan ang magkalabang grupong mga adik sa droga at sa hindi inaasahang pagkakataon ay napagtripang pagbabarilin.
(Cristina Timbang) May kasong murder nakapuga |
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Posibleng masibak sa puwesto ang isang pulis matapos na makatakas ang isang preso na may kasong murder sa naganap na insidente sa bayan ng Jose Panganiban, Camarines Norte, kamakalawa ng umaga. Kasalukuyang tugis ng pulisya ang puganteng si Ryan Par, tubong Agdangan, Quezon at pansamantalang nakatira sa Purok 3, Barangay Gumaos, Paracale, Camarines Norte. Base sa ulat, nagpaalam si Par kay SPO1 Harim Nava na magtutungo lamang sa palikuran at pinaunlakan naman, subalit hindi na bumalik sa kulungan. May teorya ang pulisya na dumaan ang suspek sa likurang bahagi ng himpilan ng pulisya bago tuluyang tumakas.
(Ed Casulla)