Sa mga dokumentong isinumite ng abogado nina Evelyn, Cristina, Cindy, Cecile, at Milagros Clavecillas na si Atty. Romeo P. Gerochi sa prosecutors office, nag-ugat ang kaso laban kay Gov. Reyes makaraang bigyang ng karapatan ang nabanggit na opisyal na magbenta ng Coron Island na pag-aari ng yumaong si Homero Clavecillas.
Ayon kay Atty. Gerochi, noong 1990 ay nagtungo sa Iloilo si Reyes upang ipagbigay alam sa kanila na tatlo silang may-ari ng Coron Island kaya gumawa ng kasunduan na mabigyan siya ng karapatang magbenta ng nabanggit na isla.
"Hindi tumupad sa kasunduan si Reyes kaya inasunto siya ng pamilya Clavecillas ng civil case noong 1995 hanggang sa paulit-ulit na naantala ang trial kaya nagdesisyon ang pamilya na magsampa ng criminal case which is estafa noong Hulyo 7, 2006," dagdag pa ni Atty. Gerochi.
Matatandaang isa sa kauna-unahang mamamahayag na nagsiwalat ng naturang isyu ay ang napaslang na si Fernando Batul noong Mayo 2 sa Puerto Princesa, Palawan.
Sinikap na kontakin si Palawan Gov. Joel Reyes upang kunin ang kanyang panig sa nabanggit na isyu, subalit walang makapagbigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng opisyal.