CAVITE Isa sa limang pulis na inakusahan ng hulidap at nasibak sa puwesto ay hindi kabilang sa mga tauhan ng Phil. Drug Enforcement Agency (PDEA) na nakabase sa Camp Pantaleon Garcia sa bayan ng Imus, Cavite. Sa kautusan ni P/Senior Supt. B. Mantele, Cavite provincial director na nilagdaan ni P/Supt. Alfredo A. De Castro, deputy provincial director for Administration, hindi kasama sa mga tauhan ni P/Chief Insp. Eduardo E. Untalan ng Special Enforcement team ng PDEA sa Cavite si PO1 Christopher M. Amon, bagkus ay inilipat sa Special Weapons and Tactics (SWAT) mula sa nabanggit na kampo.
Ang nabanggit na isyu ay napaulat kahapon matapos na mapasama ang pangalan ni PO1 Amon sa Special Order No. 193 ng Cavite Police Provincial Office sa Camp Pantaleon Garcia na may petsang Hulyo 24, 2006, na sinibak dahil sa akusasyong nangingikil sa mga inarestong tulak ng bawal na gamot sa bayan ng Imus, Cavite.
Hindi naman nabatid ang dahilan kung bakit inilipat si PO1 Amon sa SWAT mula sa nabanggit na kampo.
(Lolit Yamsuan)