4 pulis-hulidap sinibak

CAVITE — Tuluyang sinibak sa puwesto kahapon ang apat na tauhan ng pulisya na nakatalaga sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) makaraang masangkot sa ilegal na operasyon kabilang na ang pangingikil ng malaking halaga laban sa mga tulak ng bawal na gamot na kanilang inaresto noong Hunyo at Hulyo 2006 sa bayan ng Imus, Cavite.

Personal na ipinatawag kahapon ni P/Senior Supt. Benjardie H. Mantele, Cavite provincial director sa Camp Pantaleon Garcia sa Imus para ibigay ang relieved order sa mga suspek na sina P/Chief Insp. Eduardo E. Untalan, hepe ng Cavite Special Enforcement Team ng PDEA; PO3 Renato M. Dalida, PO1 Diego M. Tagros, PO1 Friolito C. Matro at PO1 Christopher M. Amon.

Ang pagsibak kay Untalan at sa apat nitong tauhan ay batay sa kautusan ni P/Supt. Edwin Jose G. Nemenzo, (DSC) AD, AHRS ng PDEA sa Quezon City noong Lunes, July 10, 2006 kaugnay sa pagkakasangkot sa kasong hulidap (extortion) at kidnapping na isinagawa sa mga drug personalities.

Nakapaloob sa nasabing Summary of Information, ang mga pangalan ng mga drug personalities na sinasabing hinulidap, kinotongan, kinidnap at hiningan ng ransom money ng tropa ni Untalan.

Kabilang sa mga naging biktima ng hulidap ay sina alyas "Tatang" na nagbigay ng P150,000; Rosemarie Paredez, umareglo ng P450,000; Ebok Ramirez, palit-kotse na kulay pulang Toyota Corolla; Lorie Loyola, Sonny Scrug, Fely Camerino, at Ina Villanueva, na pawang nagbigay ng P50,000; Vernel Capuno, nagbigay ng P120,000; at Felix Saquilayan, na nag-abot naman ng P150,000.

Itinanggi naman ng apat na suspek ang nasabing akusasyon at sinabi na karamihan sa mga nabanggit na pangalan ng mga drug pusher ay kanilang kinasuhan, bagama’t tinanggap daw ng fiscal ang kaso ay ini-release rin kaagad for further Investigation.

"Posibleng meron kaming malaking taong nasagasaan kaya ganito ang sinapit namin. Basta ang alam ko, ginawa ko lang ang trabaho ko. Kung sinuman ang nasa likod nito, Diyos na lang ang bahalang humusga sa kanya," dagdag ni Untalan.

Sa ngayon ay itinalaga si Untalan bilang base commander sa Camp Pantaleon Garcia sa Imus, Cavite, samantala sina PO3 Renato M. Dalida ay itinapon sa himpilan ng pulisya sa Naic; PO1 Diego M. Tagros sa bayan ng Alfonso; PO1 Friolito C. Matro sa bayan ng Ternate; at PO1 Christopher M. Amon, ay itinalaga sa Special Weapons and Tactics. (Lolit Yamsuan)

Show comments