Sa pormal na turned-over ceremony sa Santiago City Hall noong Lunes (July 17), pinangunahan ni City Mayor Amelita Navarro, ang pagbibigay ng135 ibat ibang uri kalibre ng baril kabilang na rito ang mga AK-47; sniper riffles; sub-machinegun at cal.45 sa 135 pulisya sa nabanggit na lungsod.
Sa kabila nang batikos mula sa ibat ibang grupo kabilang na rito si Isabela 4th District Rep. Anthony Miranda na nagsasabing may ireguralidad sa pagbili sa nasabing mga armas kung saan nagpa-abot pa ng sulat sa tanggapan ni ex-Chief PNP Director General Arturo Lomibao upang pigilin ang pagbili sa mga armas ay wala pa ring nagawa ang mga ito matapos ipagkaloob ang mga armas sa mga awtoridad noong Lunes.
Ayon kay P/Insp. Charlie Angya-on, hepe ng Special Weapons and Tactics (SWAT), labis ang kanilang kaligayahan matapos matugunan ang kanilang kakulangan sa armas, bukod sa kanilang bagong mga cal.45 ay ipinagkaloob pa sa kanilang ang mga bagong AK-47 na kauna-unahan sa buong Rehiyon-02.
Ayon naman kay Mayor Navarro, may sapat siyang mga dahilan kung bakit siya nagtatag ng SWAT at namigay ng mga baril. Ito ay upang matugunan ang mga suliranin sa robbery, illegal drug trade, krimen, kidnap-for-ransom at iba pang uri ng kaguluhan matapos siyang batikusin na walang ginagawa upang solusyunan ang lumalalang krimen.
"We need these firearms to enable our police to prevent rising cases of crimes in the city. We have to protect our people from criminal syndicates, in so doing we need to equip our protectors with reliable firearms," pahayag ni Navarro. (Victor P. Martin)