Van vs ‘siklo: 2 patay

RIZAL – Hindi nakapalag sa karit kamatayan ang dalawang sibilyang magkaangkas sa motorsiklo makaraang salpukin ng L300 van sa madilim na bahagi ng Cabrera Road sa Barangay Mangga, Taytay, Rizal kamakalawa ng gabi. Kinilala ng pulisya ang mga nasawing biktima na sina Edwin Bautista, 32, security guard at ang angkas nitong si Miguela Berona, magkapitbahay sa Sitio Hapay ng nabanggit na barangay.

Samantala, ang hindi nakilalang drayber ay agad namang tumakas lulan ng Mitsubishi L-300 van na may plakang TGT-434.

Ayon sa pulisya, ang sakuna ay nasaksihan ng isang provincial jailguard na si Julio Felizardo na siyang nagdala sa mga biktima sa Manila East Medical Center.

Napag-alamang namataan ni Felizardo ang van na sumalpok sa motorsiklo ng mga biktima at kaagad na pinaharurot ang sasakyan na animo’y lango sa alak ang driver.

Nagsasagawa na ng follow-up operation ang pulisya upang matukoy ang may-ari ng nasabing van. (Edwin Balasa)

Show comments