Mga hijacker na Tsino namamayagpag

CAMP VICENTE LIM, Laguna — May posibilidad na isang malaking sindikato na pinamumunuan ng mga Tsino ang nasa likod ng sunud-sunod na multi-million hijacking at robbery sa mga bayan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon, ayon sa isang opisyal ng Traffic Management Group (TMG).

Ayon kay P/Senior Supt. Joel Orduña, director ng TMG sa Region 4, nagsasagawa na sila ng intelligence at surveillance operation sa grupo ng mga Tsino matapos ang isang madugong engkuwentro kamakailan sa bayan ng Padre Garcia, Batangas kung saan kinilala ang isa sa tatlong napatay na si Chen Ge Huai Chua.

"Tinitingnan namin kung may kaugnayan itong Chinese na napatay sa shootout kung kasapi ng Mejas group, isang robbery-holdup gang na nag-ooperate sa Bicol, Calabarzon at NCR," ani Orduña

Si Chua at ang dalawa pa nitong kasamahan ay napatay sa isang checkpoint matapos na lumaban sa pinagsanib na elemento ng Traffic Management Group, Criminal Investigation and Detection Group at mga pulis-Batangas noong June 26 sa bahagi ng Barangay Castillo.

Nakakaalarma na ang situwasyon ng hijacking incident sa Calabarzon kung saan nakapagtala ng labing-apat na kasong hijacking sa Cavite, Laguna at Batangas sa pagitan ng Enero — Hunyo 2006 kumpara sa pito noong 2005, ayon pa sa ulat.

Ayon pa kay Orduña, nakapagtala ang Laguna ng pinakamataas na kaso ng hijacking na anim (6), Cavite ay lima (5), samantalang tatlo naman sa Batangas na may kabuuang halaga na ‘di bababa sa P20-milyon.

"Sinisilip din namin ang anggulong baka sindikato ng Tsino rin ang kumakana sa mga negosyanteng Intsik," dagdag pa ni Orduña

Sa record ng TMG, ang paboritong hina-hijack ng sindikato ay ang mga produktong madaling idispatcha katulad ng infant’s milk, canned meat at mga construction materials.

"Kaya nagbibigay babala kami sa mga negosyanteng tumatangkilik sa mga nakaw na produkto dahil sa ito ay mura o ‘di kaya naman ay peke, mananagot din sila, ayon sa anti-fencing law," pahayag ni Orduña.

Sinabi pa ni Orduña, na ipapatupad nila sa lalong madaling panahon ang Pass Card System sa lahat ng biyahero, truckers association, forwarders, brokers sa pakikipag-ugnayan ng Philippine Economic Zone Authority para mapahinto ang paglala ng hijacking case sa buong Region 4. (Arnell Ozaeta)

Show comments