3-araw bakbakan ng CVO at MILF: 38 patay

CAMP CRAME – Umaabot na sa 38 katao ang nasawi sa ikatlong araw na sagupaan sa pagitan ng Civilian Volunteers Organization (CVO) ng isang political warlord at ng grupo ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa tatlong bayan sa lalawigan ng Maguindanao, ayon sa ulat kahapon.

Sinabi ni MILF Spokesman Eid Kabalu, kabilang sa mga nasawi ay ang 30 CVO na mga tauhan ng isang kilalang pulitiko sa lalawigan na bina-backup ng tropa ng pamahalaan at walo naman sa hanay ng Bangsa Islamic Armed Forces (BIAF) kung saan ang labanan ay nag-umpisa pa nitong Miyerkules.

Ayon kay Kabalu, bunga nito ay nagsilikas ang mga residente kabilang ang 30% ng katao sa bayan ng Mamasapano, 70% mula sa Shariff Aguak at 80% naman sa Datu Unsay, pawang ng nabanggit na lalawigan.

Kabilang naman sa mga naapektuhang barangay ay ang Dilembong, Lapok, Tapikan, Malinao, Bagong, Upam, Lower Meta at Lower Iganagampong.

Nabatid na ang aksiyon ng nasabing armadong paramilitary groups ay matapos ang pambobomba sa convoy ni Maguindanao Gov. Andal Ampatuan sa bayan ng Shariff Aguak na ikinamatay ng anim katao kabilang ang pamangkin ng opisyal habang 8 pa ang nasugatan noong nakalipas na linggo.

Nauna nang lumutang na dalawang commander ng MILF ang mastermind sa nasabing pambobomba kung saan nagsagawa naman ng vendetta ang grupo ng political warlord.

Kaugnay nito, nanawagan naman ang civil society groups sa pamumuno ng Bantay Ceasefire na nakikiisa sa Joint Committees on Cessation of Hostilities (CCCHs ) sa pamahalaan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na manghimasok na sa insidente upang hindi na lumawig pa ang bakbakan sa iba pang lugar sa Mindanao.

Sinabi ni Kabalu na walang karapatan ang mga paramilitary units o anumang irregular na puwersa na magsagawa ng hot pursuit operations laban sa mga kriminal sa ilalim ng GRP-MILF Security Accord na nilagdaan noong Agosto 7, 2001 sa Putrajaya, Malaysia.

" That is a clear violation of the ceasefire agreement if militias carry a pursuit operation,"pahayag nito.

Sa panig naman ni Army’s 6th Infantry Division Commander Major Gen. Rodolfo Obaniana, sinabi nito na walang nasawi sa kanilang hanay tulad ng ipinangangalandakan ni Kabalu.

"As of now, we have no casualty, they are attacking and we have to retaliate," anang heneral. (Joy Cantos)

Show comments