Pagawaan ng pekeng suka, patis at toyo sinalakay
CAVITE Sinalakay ng Dasmariñas Police Special Operations Group sa pangunguna ni P/Supt Mario Reyes hepe dito ang pagawaan ng mga pekeng Datu Puti, Lorins at Rufina toyo, patis at suka sa Dasmariñas, Cavite, kamakalawa. Arestado ang mismong may-ari nito na aktong nahuling gumagawa ng mga nasabing produkto bandang ala-1 ng hapon na nakilalang si Rogelio A. Garudo, ng Blk. 148 Lot 14 Phase 1, Mabuhay City, Brgy. Paliparan 3 ng bayang ito. May nagbabagsak umano sa suspek ng mga label ng Datu Puti, Rufina at Lorins na idinidikit lamang sa mga bote ng mga suka, patis at toyo para magmukhang orihinal. (Cristina Go Timbang)
CAVITE Bugbog-sarado sa taumbayan ang dalawang miyembro ng Waray-Waray Gang na kumikilos sa lalawigan at naagapan ng pulisya ang granadang inihagis ng mga suspek matapos nilang holdapin ang isang collector ng isang lending company sa Brgy. Talaba 6, Bacoor, lalawigang ito, kahapon ng umaga. Iprinisinta sa media ni C/Insp. Alex Borja, hepe ng Bacoor PNP ang mga suspek na sina Bobby Contreras, 22, at Dapang Turla, 25, kapwa tubong Samar at mga residente ng Las Piñas City. Ang biktima ay si Erna Occina, 32, kolektor ng Armando Lending Shop sa Tambo, Parañaque City. Dakong alas-8:45 ng umaga nang tumawag ang grupo FALCON Communication group ni Bacoor Mayor Jessie B. Castillo upang humingi ng back-up sa ginagawang pagtugis sa mga patakas na mga suspek matapos na holdapin at tangayin sa biktima ang nakolekta nitong P20,000. (Cristina Go Timbang)