Kinilala ang mga nasawi na sina Kamlon Ampatuan, pamangkin ni Maguindanao Governor Ampatuan at hepe ng National Irrigation Authority; Cajelo Ampatuan Datumanong, pamangkin naman ni Maguindanao Rep. Simeon Datumanong; Abdulrakman Kasuyon, Edzrapel Mangansakan, dating mayoralty candidate sa bayan ng Pikit, Cotabato na tatlong beses natalo at isa pang security escort na hindi natukoy ang pagkakakilanlan.
Samantalang, ang sampung nasa kritikal na kalagayan ay kasalukuyang ginagamot sa Maguindanao Provincial Hospital.
Ayon kay Col. Tristan Kison, hepe ng AFP-PIO, naganap ang pagsabog dakong alas-7:30 ng umaga sa harapan ng pamilihang bayan ng Shariff Aguak ng nabanggit na lalawigan.
Sa inisyal na imbestigasyon, tinaniman ng isang uri ng bomba ang nakaparadang multicab sa nabanggit na palengke kung saan ang convoy ng nabanggit na opisyal ay bumabagtas.
Nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang gobernador na pinaniniwalaang pangunahing target ng mga terorista dahil sumabog ang bomba matapos na makalagpas ang sasakyan ng nabanggit na opisyal at ang nahagip ay ang kasunod na sasakyang kulay itim naToyota Revo na may plakang LDL 407 na kahawig ng behikulo ni Gov. Ampatuan.
Nabatid pa na bago naganap ang pagsabog ay pinag-igting na ng militar at kapulisan ang seguridad sa nasabing lalawigan dahil may mga impormasyong nasasagap tungkol sa pag-atake ng mga terorista. (Joy Cantos)