Sa isinumiteng ulat ni P/Insp.Vic Gabarda kay P/Senior Supt. Angelito Pacia, Olongapo police director, nakilala ang mga suspek na sina James Williams, 26 at Levi Myers, 29, kapwa walang permanenteng tirahan.
Ang suspek ay dinakip ng mga tauhan ni Gabarda sa pangunguna ni SPO3 James Bada sa Baloy Long Beach Resort matapos magreklamo ang mag-asawang Janette at Matz Venerberg, 55, isang Swedish national.
Napag-alamang nakilala ng mga suspek si Matz sa isang bar ng naturang resort at hinikayat sa kanilang modus operandi sa pag-gawa ng milyong halaga ng pekeng dolyares.
Sa labis na pagkamangha ay bumilib ang biktima matapos makitang naging $50 dolyar ang isang maitim na blangkong papel na nilagyan ng kemikal at sinubukang ipapalit ang pekeng pera sa isang money exchange shop kung saan ito nga ay napalitan ng tunay.
Subalit, nagduda si Matz makaraang hingan na siya ng mga suspek ng $1,500 US kapalit ng mga parapernalias sa paggawa ng mga pekeng dolyares.
Agad na humingi ng tulong ang mag-asawang biktima sa pulisya kaya nadakip ang mga suspek.
Nakumpiska sa mga suspek ang apat na bultong naglalaman ng black money at kaha-de-yero, samantalang wala namang maipakitang pasaporte at kaukulang dokumento ang dalawang dayuhan. (Jeff Tombado)