Bala para sa ama, sinalo ng mag-utol

CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Sinalo ng mag-utol na paslit ang bala para sa kanilang ama na ikinasawi ng isa habang malubha naman ang ikalawa sa naganap na karahasan sa Barangay P. Vera sa bayan ng Viga, Catanduanes kamakalawa.

Ang biktimang nasawi ay nakilalang si Melvin Arcilla, 3; samantalang ginagamot naman sa Eastern Bicol Medical Center si Mylene Arcilla, 10.

Tugis naman ng pulisya ang suspek na si Narciso Hecita Jr., 20, samantalang si Melchor Arcilla, 37, ama ng mga biktima ay nakaligtas sa tiyak na kamatayan.

Napag-alamang sina Melchor at Narciso na kapwa magsasaka ay nagkomprontasyon tungkol sa lupang sinasaka na nauwi sa suntukan, subalit namagitan naman ang isang barangay tanod kaya humupa ang galit ng dalawa.

Lumilitaw sa pagsisiyasat na unang umalis ang suspek at nang bumalik ay may hawak na shotgun at pinaputukan si Melchor, subalit sumablay habang nakamasid ang mag-utol na Arcilla.

Sa ikalawang putok ng shotgun ay humarang na ang mag-utol sa ama kaya sila ang tinamaan na ikinasawi ng isa habang malubha naman ang ikalawa. (Ed Casulla)

Show comments