Suspek sa naudlot na rape, itinumba
May 19, 2006 | 12:00am
TAYABAS,Quezon Niratrat hanggang sa mapatay ang isang 38-anyos na biyudo ng kanyang kapitbahay matapos na mapagbintangan sa tangkang panghahalay sa misis ng huli sa Barangay Maasim ng bayang ito, kamakalawa ng hapon. Kinilala ng pulisya ang biktimang pinaslang na si Elmer Ocay, samantalang nadakip naman ng mga barangay tanod at pulisya ang suspek na si Roger de Castro, 37, na sinampahan ng kasong murder. Sa impormasyong nakalap ni SPO4 Francisco Garcia, magkasamang nag-iinuman ng alak ang suspek at biktima at iba pa nilang kapitbahay nang biglang tumayo ang una at pinagbabaril si Ocay. Napag-alamang may sanlinggo na ang nakalipas ay nagsumbong sa suspek ang asawang si Merlie tungkol sa tangkang panghahalay sa kanya ng biktima noong February 6 habang siya ay naglalaba sa ilog. (Tony Sandoval)
>CAVITE Brutal na kamatayan ang sinapit ng isang 45-anyos na negosyante sa kamay ng sariling tauhan, makaraang paluin sa ulo at gilitan ay pinagnakawan pa sa naganap na karahasan sa bahagi ng Green Plains Subd, Barangay Mambog 2, Bacoor, Cavite kamakalawa ng hapon.Walang buhay na natagpuan ang biktimang si Engr. Pedro Ortiz , samantalang tugis ng pulisya ang suspek na si Vic Dalina,23, katiwala ng biktima na mag-alaga ng mga sasabunging manok. Ayon kay SPO1 Dante Ordono, naging saksi sa krimen ang isang 15-anyos na lalaki matapos na matagpuan ang tubo at patalim na ginamit sa krimen. Nawawala rin ang pitaka at mga alahas ng biktima nang madiskubre ang bangkay nito sa nabanggit na barangay. (Cristina Timbang)
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Isa katao ang nasawi at isa pa ang nasa malubhang kalagayan makaraang ratratin ng dalawang di-nakikilalang kalalakihan ang mga biktima habang naglalamay sa burol ng kanilang kaibigan sa Fundano Compound, Barangay San Pedro, Irosin, Sorsogon kamakalawa ng gabi. Napuruhan at nasawi si Allan Esquerra, samantalang sugatan at ginagamot sa Sorsogon Provincial Hospital si Dante Fumera. Naitala ang insidente dakong alas-10 ng gabi habang nakikidalamhati ang dalawa sa namayapang kaibigang si Domingo Habla na pinaslang din sa nabanggit na barangay. (Ed Casulla)
CAMP CRAME Tatlong rebeldeng New Peoples Army na pinaniniwalaang may planong sumuko sa military ang nilikida ng kanilang kabaro sa liblib na bahagi ng Mt. Balatukan Complex, Gingoog City, Misamis Oriental kamakalawa, ayon sa ulat. Ayon kay 8th Infantry Battalion (IB) Commanding Officer Colonel Andrelino Colina, na may mga sapat na ebidensya ang militar na nagtuturo sa mga rebelde bilang responsable sa pagpatay ng tatlong susukong rebelde na kasalukuyang pang inaalam ang pagkikilanlan. Sinabi pa ni Colina na nasa panahon ngayon ang ma-Kakaliwang Kilusan sa paglilinis ng kanilang hanay sa Mindanao, lalo na sa mga posibleng pinagdududahang deep penetrating agent. (Joy Cantos)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest