Ambush: Kawal ng Phil. Navy dedo
May 18, 2006 | 12:00am
CAMP CRAME Tinambangan at napatay ng mga hindi kilalang lalaki ang isang 33-anyos na kawal ng Phil. Navy na nakatalaga sa Special Warfare Group (SWAG) sa harapan ng Blessed Homes Subd., Purok 1, Bunawan, Davao City, kamakalawa ng hapon. Idineklarang patay sa Davao Medical Center ang biktimang si Phil. Navy SWAG man Hermis Buban ng Panacan, Davao City sanhi ng mga tama ng bala ng baril sa katawan. Sa inisyal na imbestigasyon, ang biktima kasama ang kaniyang misis ay lulan ng L-300 van mula sa kanilang bahay sa Uraya Subdivision, Mintal, Davao City nang biglang dikitan ng motorsiklong may lulan ng dalawang hindi kilalang lalaki. Gayon pa man, pagsapit sa tapat ng bahay ng kaniyang biyenan may ilang metro ang layo sa kanilang bahay ay pinagbabaril na ang biktima na ikinasawi nito. (Joy Cantos)
KAMPO SIMEON OLA, Legazpi City Isang 25-anyos na binata na pinaniniwalaang na-praning ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga tauhan ng pulisya makaraang mag-amok at mang-hostage ng 5-anyos na nene sa Barangay Bahi, Garchetorena, Camarines Sur, kamakalawa ng hapon. Kinilala ng pulisya ang nag-amok na si Mayao Fullantes, samantalang nailigtas sa tiyak na kamatayan ang 5-anyos na si Lysil Ignacio. Sugatan naman ang dalawang barangay tanod na sina Oscar Lorica, Alberto Narovato. Napag-alamang nag-amok si Fullantes na may hawak na itak at biglang hinablot si Ignacio na akmang gigilitan. Tinangkang payapain ng mga residente, subalit binalewala nito hanggang sa rumesponde ang mga pulis na nakipagnegosasyon din. Dumating sa punto na hindi na kayang payapain ang hostage-drama ay umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril at duguang bumulagta si Fullantes. Tinamaan ng ligaw na bala ang sibilyang si Airel Abraham. (Ed Casulla)
CAMP OLIVAS, Pampanga Tatlo-katao ang iniulat na nasawi makaraang mahagip ng trak ang traysikel na sinasakyan ng mga biktima sa kahabaan ng mega dike na sakop ng Barangay Manibaug sa bayan ng Porac, Pampanga kamakalawa ng gabi. Kabilang sa mga biktimang nasawi ay nakilalang sina Flocer Escolo, Vanessa Bacani at Marco Cortez. Samantalang sumuko naman sa pulisya ang drayber ng truck (RCU 357) na si Jose Mari Tabora ng Barangay Maliwalo. Lumilitaw sa ulat ni P/ Supt. Walter Castillejos, police chief sa bayan ng Porac, naitala ang sakuna ganap na alas-7:30 ng gabi matapos na mahagip ng trak ang nakaparadang traysikel ng mga biktima. May teorya ang pulisya na hindi napansin ng drayber ng trak ang traysikel dahil sa may kadiliman sa naturang lugar. (Resty Salvador)
CAVITE Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang isang 34-anyos na obrero ng kanyang nakaalitan sa isa na namang karahasang naganap sa Barangay Ligtong sa bayan ng Rosario, Cavite, kamakalawa. Anim na tama ng patalim sa katawan ang tumapos sa biktimang si Josepino Domingo ng Barangay Tejeros Convention sa bayang nabanggit. Tugis naman ng pulisya ang suspek na si Jay-Ar Jaranilla. Sa pagsisiyasat ni PO1 Eric Puresa, hinarang ng suspek ang biktimang naglalakad at agad na inundayan ng sunud-sunod na saksak sa katawan. May posibilidad na matagal na alitan ang isa sa motibo ng krimen. (Cristina Timbang)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
By Tony Sandoval | 23 hours ago
By Cristina Timbang | 23 hours ago
By Tony Sandoval | 23 hours ago
Recommended