2 sugatan sa oil tanker blast
May 12, 2006 | 12:00am
BATAAN Dalawang tripulante ng M/T Daniela Natividad oil tanker ang nasugatan makaraang sumabog ang winiwelding na bahagi ng nabanggit na oil tanker na nakadaong sa pantalang sakop ng Barangay Lamaw, Limay, Bataan, kahapon ng umaga. Kasalukuyang ginagamot ang mga biktimang sina Jaime "Jimmy" Reboso, 46 at Pedrito Parayday, 43. Ayon kay P/Senior Supt. Henardo Zafra, Bataan provincial director, bandang alas-7:35 ng umaga nang maitala ang pagsabog ng naturang tanker na pag-aari ng Shogun Shipping Corp. at Petron Oil Corp. Agad naman naapula ang apoy ng mga rumespondeng rescue team. (Jonie Capalaran)
CABANATUAN CITY Isang 70-anyos na lola ang iniulat na nasawi makaraang mabundol ng isang motorsiklo habang tumatawid sa tapat ng La Fortuna College sa kahabaan ng Maharlika Highway na sakop ng Barangay Daan Sarile ng lungsod na ito, kamakalawa ng umaga. Binawian ng buhay habang ginagamot sa Nueva Ecija Premiere General Hospital ang biktimang si Belen dela Cruz y Santos ng Purok Bagong Silang, Barangay Daan Sarile, Cabanatuan City. Samantala, sumuko sa pulisya ang drayber ng motorsiklo (CQ2745) na si PO1 Lauro Arenas Jr., y Pascual, 27, ng Regional Mobile Group (RMG) sa Camp Olivas, Pampanga. (Christian Ryan Sta. Ana)
CAVITE Dalawang tinedyer na lalaki ang inaresto ng pulisya makaraang mamaril sa birthday party, kamakalawa ng gabi sa bayan ng General Mariano Alvarez, Cavite. Kabilang sa dinakip ay nakialalng sina Mark Safra, 20 at Jheric (menor-de-edad), samantalang sugatan naman ang mga biktimang sina Alexis Penullar, 21 at Kenny Jorge Vallejo, 21, habang nakaligtas naman si Noel Marilag, 21, pawang residente ng nabanggit na bayan. Ayon kay PO3 Celestino San Jose, dumating ang mga suspek sa birthday party na sakay ng motorsiklo at pagbaba ay agad na pinaputukan ang mga biktima. (Cristina Timbang)
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Nabaril at napatay ang isang lider ng mga holdaper ng mga tauhan ng pulis-Dimasalang sa itinayong checkpoint sa Sitio Acacia, Barangay Cadulan, Dimasalang, Masbate kamakalawa ng hapon. Kinilala ng pulisya ang napatay na holdaper na si Eddie Banda, lider ng notoryus na grupong Gaid Boys na may operasyon sa 3rd district ng Masbate. Base sa ulat ng pulisya, sakay ng motorsiklo si Banda na may kaangkas na isa pa nang naparaan sa checkpoint ng pulisya. Pinatitigil ng pulisya si Banda, subalit pinaharurot nito ang motorsiklo at nagpaputok pa ng baril, Dahil dito ay hinabol ng mga pulis hanggang sa mapatay, samantalang nakatakas naman ang kasama nito. (Ed Casulla)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest