Personal na inihain ni Zambales Vice-Governor Ramon Lacbain II kay Presidential Commission for the Urban Poor Usec. Percival Chavez, ang mga kopya ng reklamo ng mga pamilyang labis na nasaktan at naapektuhan sa isinagawang demolisyon.
Ayon sa reklamo, sinira at giniba ang mga bahay kabilang ang mga barung-barong ng mga residente mula Abril 29 hanggang Mayo 1 upang bigyang daan ang groundbreaking ceremony ng kumpanyang Hanjin Heavy Industries and Construction Co. noong Mayo 2.
Sinabi ni Lacbain na hindi naman tumututol ang mga residente sa pagtatayo ng isang malaking Korean shipyard facility sa kanilang lugar, kundi ipinoprotesta lamang nila na huwag idamay at sirain ang kani-kanilang tahanan subalit nagbingi-bingihan lamang ang naturang kumpanya at pamunuan ng SBMA at maging ang lokal na opisyal ng pamahalaan.
Nakasaad sa affidavit ng mga residente na pinangunahan ng mga miyembro ng Forest Rangers ng SBMA at PNP-Special Action Force ang pagsagawa ng demolisyon habang nakikipagnegosasyon sa pagkuha ng tamang kabayaran sa demolisyon at kasiguraduhan ng relokasyon at pangkabuhayan.
Base sa reklamo ng mga residente, lumabag na ang SBMA at ang nabanggit na kumpanya sa direktiba ni Pangulong Arroyo sa ilalim ng Executive Order No. 152 ng RA 7279 o ang Urban Development and Housing Act of 1992. (Jeff Tombado)