MAUBAN, Quezon Patay agad ang isang 73-anyos na ice cream vendor makaraang saluhin nito ang saksak na para sana sa kanyang anak sa Barangay Bagong Bayan, Mauban, Quezon kamakalawa ng hapon. Kinilala ng pulisya ang biktima na si Isabelo Beliganio, samantalang nadakip naman ang suspek na si Armando Dawal, 31. Sa pagsisiyasat ni PO3 Basilio Villabroza, dakong alas-4:50 ng hapon, nagtalo ang suspek at anak ng biktima na si Isagani. Sa kainitan ng pagtatalo ay bumunot ng patalim ang suspek at umastang uundayan ng saksak si Isagani, subalit iniharang ni Isabelo ang katawan kung kayat siya ang tinamaan ng patalim.
(Tony Sandoval) CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang pulis na miyembro ng 509th Police Provincial Mobile Group ng mga rebeldeng New Peoples Army habang ang biktima ay namimili ng isda sa fishport na sakop ng Barangay San Juan, Bulan, Sorsogon kahapon ng umaga. Nakilala ang biktima na si PO3 Virgilio Razo na napuruhan sa ulo matapos na barilin ng mga rebelde na tumakas patungo sa Barangay Managanaga. Napag-alamang tinangay ng mga rebelde ang baril ng biktima. Ayon kay P/Senior Supt. Joel Regondola, provincial director, tinyempuhan ng mga rebelde ang biktima na namimili ng isda na dadalhin sa kanilang kampo.
(Ed Casulla) LUCENA CITY Arestado ang dalawang babaeng pinaniniwalaang tulak ng bawal na droga sa isinagawang buy-bust operation sa North Employees Subdivision, Barangay Gulang-gulang ng nabanggit na lungsod, kamakalawa ng gabi. Nakapiit ngayon at pormal na kinasuhan ang mga suspek na sina Irene Odonio, 26, dalaga, ng Barangay 10 at Theresa Aguirre, 31, may-asawa ng Barangay Cotta. Ayon kay P/Senior Supt. Reuben Theodore Sindac, chief of police, dakong alas-7:25 ng gabi nang madakma ang mga suspek matapos ang operasyon at nakumpirmang nagpapakalat ng droga ang dalawa.
(Tony Sandoval)