Ang dead-on-the-spot ay kinilala ni Bataan Police Director P/Sr. Supt. Hernando Zafra na si Maria Cecilia San Vicente, 25, ng Cabanatuan City.
Habang patuloy na inoobserbahan sa pagamutan ang mga sugatan na sina Mylene Abaya, Eloisa Gervacio, Virginia Cruz, Geraldine Ortiga, Leah Valmadrid, Joselyn Sabat at Rodalyn Ladignon, pawang taga-Nueva Ecija.
Sa sketchy report na nakarating sa Camp Tolentino PNP Bataan galing sa Pilar Police Station, dakong alas-5 ng hapon habang patungo ang mga biktima sa tuktok ng Mt. Samat Shrine sakay ng mini-bus (Eugene Transportation) na may plate # CVW-439 at minamaneho ni Romeo Dalalo, 47, may-asawa at nakatira sa #24 Commercial, Bongabon Nueva Ecija nang bigla umanong namatayan ito ng makina pagdating sa isang lugar na matarik.
Umatras umano pababa ang naturang bus na naging dahilan para magpanik ang 33 pasahero nito, unang tumalon si San Vicente dahilan upang maatrasan at magulungan ng sasakyan na kanyang ikinasawi.
Nagtalunan din ang iba pang mga pasahero nang tuluy-tuloy na bumababa pabulusok sa bangin ang naturang bus mabuti na lamang umano nakabig ng driver pakanan ang sasakyan kung kaya sumadsad ito sa isang malaking bato. Pumutok din ang brake ng bus.
Sinampahan ng kasong self accident resulting to homicide with multiple physical injuries and damage to property thru reckless imprudence ang driver ng bus at siya ay nasa custody ngayon ng Pilar Police Station. (Jonie Capalaran)