CAMP OLIVAS, Pampanga Anim na kalalakihan na pinaniniwalaang miyembro ng Panisa Gang na isinasangkot sa serye ng holdapan at carnapping sa Tarlac, Bulacan, Pampanga at Pangasinan ang nalambat ng mga awtoridad sa Barangay Camachile sa Mabalacat, Pampanga, kamakalawa. Sa bisa ng search warrant na inisyu ni Executive Judge Joselito Cruz Villarosa ng Nueva Ecija Regional Trial Court, Branch 39, nasakote ang mga suspek na sina Reynaldo Waje, Roger Quiambao, Reynaldo Penacilla, Reynaldo Nuqui, Roderick Waje at Jesus Aguilar. Ayon kay P/Senior Supt. Zoilo Lachica Jr., hepe ng Region-3 CIDG, nasamsam sa mga suspek ang tatlong baril at mga bala.
(Resty Salvador) Konsehal dinedo sa kapilya |
KAMPO SIMEON OLA, Legazpi City Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang konsehal ng barangay ng mga rebeldeng New Peoples Army (NPA) habang ang biktima ay nakaupo sa harapan ng kapilya sa Barangay Valparaiso, San Fernando, Masbate, kahapon ng umaga. Kinilala ng pulisya ang biktimang si Randy Cabiles, samantalang naglakad lamang ang mga rebelde matapos isagawa ang krimen bandang alas-9 ng umaga. Napag-alamang may pagbabanta sa buhay ng biktima dahil sa paniniwalang tiktik ng militar at pulisya. Binalewala naman ng biktima ang mga pagbabanta hanggang sa naganap ang pamamaslang.
(Ed Casulla) Illegal quarrying lantaran sa Gapo |
OLONGAPO CITY Nanganganib na lumubog sa tubig-baha ang dalawang barangay sa nabanggit na lungsod na magiging dahilan para maapektuhan ang mga residente dahil sa patuloy na illegal quarrying. Ayon sa mga residente ng Barangay Tabacuhan at Old Cabalan, malaking bahagi na ng kalupaan ang nawala at posibleng magdulot ng panganib tulad ng pagbaha at landslide sa nalalapit na tag-ulan dulot ng quarrying sa kanilang lugar. Karamihan sa kabahayan ay malapit sa pinangyayarihan ng quarrying at sa ilog na sakop ng Barangay Tabacuhan at Barangay Old Cabalan kung saan mababa lamang ang kinalalagyan ng mga bahay at kadalasan ay rumaragasa ang tubig-baha at putik sa tuwing tag-ulan. Napag-alaman ng PSN na walang kaukulang permit mula sa lokal na pamahalaan ng Olongapo City at Environment Clearance Certificate (ECC) sa City Environment Natural Resources Office (CENRO) ng DENR para sa operasyon ng quarrying.
(Jeff Tombado)