Ayon kay P/Chief Insp. Rolando Andaya, bandang alas-2 ng hapon nang salakayin ng mga rebelde ang detachment ng Citizen Auxiliary Force Geographical Unit (CAFGU) sa Barangay Binuangan sa baybaying bahagi ng nasabing bayan.
Walang nagawa sa biglaang pagsalakay ang mga Cafgu sa nasabing detachment kung saan ay natangay ng mga rebelde ang sampung M-14 rifles, dalawang M-16, tatlong Carbine, at dalawang Garand rifles, gayon pa man, wala namang iniulat na nasugatan o namatay.
Ang raid sa Binuangan na isa sa malapit sa Manila Bay ay naganap apat na araw matapos maka-engkuwentro ng militar ang may 30 rebelde sa kabundukan ng Camachin, Doña Remedios Trinidad sa silangang Bulacan kung saan ay nakarekober ang mga sundalo ng limang matataas na kalibreng baril na naiwan ng mga nagpulasang rebelde.
Matapos ang engkuwentro sa Camachin, inimbitahan naman ng militar ang may 18-katao kabilang na ang mga empleyado ng Metalor Mining Corporation na matatagpuan sa nasabi ring lugar.
Kinabukasan, pinauwi ng militar ang mga minero, subalit iniulat ng militanteng grupo na Alyansa ng Mamamayan para sa Pantaong Karapatan (ALMMA) na apat pa ang nawawala kabilang ang operations manager ng Metalor. (Dino Balabo at Angie dela Cruz)