Ex-officer ng asosasyon itinumba

CAVITE – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 54-anyos na dating opisyal ng homeowners association ng dalawang lalaki kabilang na ang isang pulis-Maynila sa naganap na karahasan sa bahagi ng Barangay San Francisco, General Trias, Cavite, kamakalawa ng hapon. Lumitaw sa imbestigasyon ni PO2 Edgardo Gallardo, ang biktimang si Remedio "Boy" Laxina ay nagmamaneho ng Mitsubishi Lancer (NMW153) nang harangin at tambangan ng mga suspek na sina Rolando Bernardo, 58, at Tadeo De Jesus, isang pulis-Maynila na hindi nabatid ang ranggo. Agad na tumakas ang dalawa sakay ng Toyota Revo na may plakang WTP418. May teorya ang pulisya na matinding alitan ang isa sa motibo ng krimen. (Cristina Timbang)
P.3-M naholdap sa bangko
CAVITE – Umaabot sa P. 3-milyon ang natangay ng tatlong notoryus na robbery/holdup gang makaraang holdapin ang isang bangko sa Barangay San Vicente, Silang, Cavite kahapon ng umaga. Ayon kay PO3 Dennis Patambang, nagpanggap na kliyente ang tatlong kalalakihan nang pumasok sa Rural Bank ng Sto. Tomas na pag-aari ni Milagros Castillo na residente ng Sto. Tomas, Batangas. Dahil walang security guard ay madaling natangay ng mga holdaper ang nabanggit na halaga partikular na ang mga personal na gamit ng mga kawani. (Cristina Timbang)
Holdap: Canadian trader dinedo
CAMP OLIVAS, Pampanga – Pinaniniwalaang hinoldap muna bago pinatay ang isang 62-anyos na Canadian national na natagpuan ang bangkay sa loob mismo ng pag-aaring Toyota Revo sa bahagi ng Barangay Tabun, Mabalacat, Pampanga, kamakalawa. Nagtamo ng dalawang tama ng bala ng baril sa ulo at dibdib ang biktimang si Eduard Parker na pansamantalang naninirahan sa Senator Garden Hotel sa Tarlac City. Naniniwala ang mga awtoridad na nanlaban ang biktima kaya binaril sa loob ng kanyang sasakyan na may plakang XSZ 311 bago nilimas ang mga personal na gamit at hindi nabatid na halaga. (Resty Salvador)
Libong troso nasamsam
QUEZON – Aabot sa sampung libong pinagputul-putol na troso ang nakumpiska ng mga tauhan ng Phil. Navy sa isinagawang anti- illegal logging operations ng pamahalaan sa bahagi ng Sitio Salamungay, Barangay Balay-balay, Mauban, Quezon kamakalawa ng hapon. Napag-alaman sa ulat na ang mga troso ay mula sa bayan ng General Nakar at nakatakdang ipuslit patungo sa Metro Manila pero nasabat ng mga nagpapatrulyang Phil. Navy. Kasalukuyang nasa pag-iingat ng Department of Environment and Natural Resources sa Calumpang, ang mga troso na pinaniniwalaang nagkakahalaga ng P.140 milyon. (Tony Sandoval)
2 NPA lider nasakote
CAMP CRAME – Dalawang lider ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang nasakote ng military sa isinagawang magkahiwalay na operasyon sa Bukidnon at Davao City, kamakalawa. Kasalukuyang sumasailalim sa tactical interrogation ang mga rebeldeng sina Dante Lampuyod at Ado Gorio na kapwa miyembro ng Sentro Grabidad Uyag, Front Committee 6, North Central Mindanao Regional Committee. Ayon kay Army Spokesman Major Bartolome Bacarro, Si Ka Dante ay nasakote ng Army’s 73rd Infantry Battalion sa Sitio Natagpusan, Barangay Guimitan, Marilog District, Davao City dakong alauna ng madaling-araw, samantalang si Gorio ay nabitag sa bahagi ng Barangay Namnam, San Fernando, Bukidnon. (Joy Cantos)

Show comments