3-katao minasaker
April 18, 2006 | 12:00am
CAMP CRAME Tatlo-katao na pinaniniwalaang sangkot sa serye ng nakawan ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga hindi kilalang lalaki habang ang mga biktima ay nakitulog sa kubo na pag-aari ni Eddie Paras Sr. sa Golden Mt. Riverside sa Barangay Aguso, Tarlac City, Tarlac kamakalawa ng madaling-araw. Kinilala ang mga biktima na sina Segundo Mercado, 37; Rey Serrano, 33; at Dante Catalan, alyas "Isaw." May teorya ang pulisya na onsehan sa partihan ang isa sa motibo ng krimen. (Joy Cantos)
CAVITE Pinagtataga hanggang sa mapatay ang isang 53-anyos na mister ng sariling manugang makaraang magkapikunan sa masamang biruan habang nag-iinuman ng alak sa Barangay Alingao, General Trias, Cavite kamakalawa ng gabi. Nagkagutay-gutay ang katawan ng biktimang si Rogelio Marata, samantalang tugis ng pulisya ang suspek na si Michael Dela Peña, 29, ayon sa ulat ni PO2 Edgardo Gallardo. (Cristina Timbang)
LA UNION Maagang kinalawit ni kamatayan ang tatlo-katao makaraang salpukin ng pampasaherong bus ang sinasakyang motorsiklo ng mga biktima sa kahabaan ng highway na sakop ng Calungbuyan, Balaoan, La Union noong Huwebes ng gabi. Kabilang sa nasawi ay sina Jonie Galdonez, isang marino na kararating pa lamang; Bryandel Banatero, isang local singer mula sa Aparri, Cagayan at Gemini Antonio, drayber ng Honda motorcycle (AO 7890). Ayon kay P/Supt. Vicente Co, ang mga biktima ay patungo sa silanganang bahagi nang araruhin ng Viron Bus (AVC349) na minamaneho ni Jerry Barcena ng Ilocos Sur. Pormal na kinasuhan si Barcena matapos na sumuko sa himpilan ng pulisya. (Jun Elias)
ZAMBALES Isang 51-anyos na tagapagmana ng malawak na lupain ang iniulat na pinaslang makaraang pagbabarilin ng nag-iisang lalaki habang ang biktima ay bumibili ng pagkain ng pusa sa kalapit na tindahan ng kanilang bahay kamakalawa ng gabi sa bayan ng Iba, Zambales. Apat na tama ng bala ng baril ang tumapos sa buhay ni Exequel Arabejo de Vera. Sinisilip ng pulisya ang anggulong kung may kinalaman sa krimen ang pagiging eredero ng biktima dahil wala naman itong nakagalit o kaaway sa kanilang bayan. (Fred Lovino)
BATAAN Tatlong sibilyan na pinaniniwalaang notoryus na tulak ng droga ang dinakip ng mga tauhan ng pulisya sa isinagawang drug bust operation sa Barangay Sta. Rosa, Pilar, Bataan kamakalawa. Pormal na kinasuhan ang mga suspek na sina Elizabeth Cabbab y Coloma, 69; Amado Ramos y Mendoza, 47; at Michael Atencio y Galora, 26. Ayon kay P/Chief Insp. Luisito Magnaye, ang tatlo na nakumpiskahan ng P.41 milyong droga ay inaresto sa bisa ng search warrant of arrest ni Judge Antonio Quintos ng Orion Municipal Circuit Trial Court. (Jonie Capalaran)
LEGAZPI CITY Kasalukuyang nakikipagbuno kay kamatayan ang isang 21-anyos na binata makaraang pagtatagain ng sariling ama dahil sa matinding panibugho sa naganap na karahasan sa Barangay Poblacion, Pamplona, Camarines Sur kamakalawa ng gabi. Kinilala ng pulisya ang biktima na si Allan Bornilla, samantalang naghihimas naman ng rehas na bakal ang suspek na si Jose Bornilla, 55. Napag-alaman sa ulat ng pulisya, nagalit ang suspek sa inasal ng kanyang anak kaya nagawang pagtatagain sa loob ng kanilang bahay. (Ed Casulla)
MALOLOS CITY, Bulacan Isang 34-anyos na kawani ng Provincial Fiscals Office at pinaniniwalaang may matinding problema sa pamilya ang nagpakamatay sa pamamagitan ng pagtalon sa Malolos Flyover ilang minuto matapos ang Easter Sunday. Kinilala ng pulisya ang biktimang si Joel Ico ng Barangay Sto. Rosario ng Lungsod na ito. Ganap na alas-12:10 ng madaling-araw nang isagawa ng biktima ang pagtalon mula sa flyover, ayon pa sa ulat. (Dino Balabo)
SARIAYA, Quezon Sabog ang ulo ng isang 38-anyos na magsasaka makaraang barilin ng nag-iisang lalaki na sakay ng motorsiklo habang ang biktima ay pasakay sa kanyang bisikleta sa Barangay Bignay Uno ng bayang ito, kamakalawa ng hapon. Kinilala ni SPO1 Charlie Gutierrez, ang biktimang si Teodoro "Odie" Palama. Ayon sa ulat, pauwi na ang biktima nang lapitan at tanungin ng suspek. Nang tumango ang biktima sa tanong ng suspek ay agad na binaril sa ulo ang una. (Tony Sandoval)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Recommended
November 28, 2024 - 12:00am
November 27, 2024 - 12:00am
November 26, 2024 - 12:00am