Batay sa rekord ng pulisya, pinakahuling biktima ng karahasan ay si Barangay Chairman Gabriel Lambican at ang ama nito na pinagbabaril ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan habang sakay ng mini-dump truck sa Barangay Bulanao, Tabuk, Kalinga nitong Marso 30.
Nauna rito noong Marso 7, minasaker ang buong pamilya na kinabibilangang nina Salvador Gonzalo, 47, asawa na si Mercy, 47 at isang Charlie Cadater, 30 habang naghahapunan ang mga ito sa loob ng kanilang tahanan sa Sitio Ubbog, Barangay Magsaysay, Tabuk, Kalinga.
Pagkalipas ng pitong araw, Marso 14, ay binaril at napatay naman si Alex Noval sa loob din ng kanyang bahay, kinabukasan ay pinagbabaril naman ng mga hindi kilalang lalaki ang isang kawani ng National Bureau of Investigation (NBI) na si Amor Gobiangan, sa harapan mismo ng munisipyo.
Dalawang araw pa lamang ang nakakalipas ay pinagbabaril ng hindi kilalang lalaki ang biktimang si Jimmy Dalire ng Tabuk Kalinga.
Dahil dito ay nangangamba ang mga residente kasabay ng kahilingan ng ilang religious group na lutasin sana ng pamunuan ng pulisya ang magkakasunod na karahasan at huwag nang hintayin na may mababawian na naman ng buhay.
Agad naman na nagpalabas ng direktiba ang pamunuan ng Regional Office-Cordillera sa Kalinga Police Provincial Office, na bigyan priyoridad at dakpin ang mga responsable sa magkakasunod na patayan sa nasabing lalawigan. (Victor P. Martin)