Base sa ulat na tinanggap ni PNP Chief Director General Arturo Lomibao, kinilala ang pinaghahanap na Abu Sayyaf bomb expert na si Abu Abdulgawey, isang demolition team leader ng bandidong grupo.
Ang grupo ni Abdulgawey ay pinaniniwalaang nasa likod ng pagpapasabog sa bomba na itinanim sa baggage counter ng Sulu Consumers Cooperative, Inc. na matatagpuan sa kahabaan ng Sanchez, Barangay Walled.
Napag-alaman na si Abdulgawey ang lumagda sa extortion letter na ipinadala sa may-ari ng kooperatiba na humihingi ng malaking halaga bilang protection money at kung hindi ay pasasabugin ang nasabing establisimyento.
Ayon pa sa ulat, sakaling matunton ang pinagkukutaan ni Abdulgawey at ang courier ng extortion letter ay mareresolba kaagad ang Jolo bombing noong Lunes, Marso 27.
Samantalang nakasulat sa extortion letter ang dalawang celfone numbers na 09203468834 at 09066713266 kung saan dito tawagan ang mga suspek para sa kaligtasan at negosasyon ng mga store owners para sa hinihinging extortion money ng grupo.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa malagim na pambobomba. (Joy Cantos)