Sa pahayag kahapon ni P/Supt. Israel Baltazar, hepe ng Aurora police station, kinasuhan ang mag-asawang Eddie Obarre at Charita matapos ang brutal na pagpaslang sa kanilang amo na sina Victorio Romero, 63; asawang si Victoria, 60; dalawang anak na sina Joy Guevarra, 36; at Hazel Bartolome, 28; kabilang na ang tatlong apo na sina Carmeline, 9; Cielo, 7; at Angelo, 4.
Unang sumuko ang mag-asawang Obbare sa Camp Olivas, Pampanga noong Sabado ilang araw ang nakakalipas matapos mabasa sa pahayagan at lumabas sa telebisyon ang pagkakadiskubre sa mga bangkay ng biktima kung saan itinuturong suspek ang mag-asawang Obarre.
Inamin ng mag-asawa na may kinalaman nga sila sa krimen, subalit iginigiit ng mga ito na si Ramelito Ybanez, drayber ng pamilya Romero ang nagsagawa sa krimen.
Ayon sa pulisya, natakot ang mag-asawa sa banta ni Ybanez na pasasabugin ang granadang hawak nito kung hindi sila tutulong habang isinasagawa ang krimen.
Matapos ang krimen ay isinama ang mag-asawa ni Ybanez sa kanilang pagtakas kung saan naghiwa-hiwalay na lamang pagsapit sa Tarlac kung saan dito nakakuha ng pagkakataong sumuko sa awtoridad matapos makunsensiya sa sinapit ng mga biktima.
Kasalukuyan pa ring nakaburol ngayon ang mga labi ng pitong mag-anak sa kanilang bahay sa Barangay Tanza, Aurora, Isabela. (Victor P. Martin)