Tumulong sa kaibigan, tinodas

CAMARINES NORTE – Dahil sa pagtulong sa kaibigang napaaway ay kamatayan ang sumalubong sa isang lalaki makaraang saksakin sa labas ng videoke bar sa naganap na karahasan sa bahagi ng Barangay Calintaan sa bayan ng Talisay, Camarines Norte kamakalawa ng umaga. Kinilala ng pulisya nasawing biktima na si Raymund Saavedra ng Purok 4, Barangay San Francisco. Samantalang tugis ng pulisya ang suspek na nakilala sa alyas na "Turing" ng Holiday Homes Subd. sa Barangay Lag-on, Daet, Camarines Norte. Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na namataan ng biktima na nakikipag-away ang kanyang kaibigan kaya sinaklolohan nito hanggang sa masaksak ng suspek. (Francis Elevado)
Lolo uminom ng pesticide, patay
BONGABON, Nueva Ecija – Isang 85-anyos na magsasaka na pinaniniwalaang dumanas ng matinding depresyon dahil sa pagkawala ng anak at pagkasira ng panamin na sibuyas sa tubig-baha ay nagdesisyong uminom ng pesticide hanggang sa mamatay sa sariling bahay sa Barangay Arriendo ng nabanggit na bayan, noong Sabado ng hapon. Kinilala ng pulisya ang biktima na si Emeterio Cunanan na hindi naisalba ang buhay sa Bongabon Emergency Hospital dahil sa bagsik ng lason. Ayon kay Barangay Captain Leonardo Gervacio, huling namataan ang biktima na walang kibo at malungkot sa kanilang bahay simula ng mawala ang kanyang anak na si Michael noong Oktubre 2005. Napag-alamang sinalanta ng tubig-baha ang pananim sa dalawang bayan sa Nueva Ecija na umabot sa halagang P72-milyon ang nawasak kabilang na ang panamin ng biktima. (Christian Ryan Sta. Ana)
Most wanted person sa Calabarzon, tiklo
CAMP VICENTE LIM, Laguna – Bumagsak sa kamay ng batas ang tinaguriang most wanted person sa Calabarzon (Cavite, Laguna Batangas, Rizal, Quezon) makaraang magsagawa ng operasyon ang pinagsanib na puwersa ng Regional Intelligence and Investigation Division (RIID) at ng Regional Mobile Group (RMG) sa Tanauan City, Batangas noong Linggo ng madaling-araw. Arestado sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Miguel Salumbides ng Municipal Trial Court ng Unisan, Quezon si Roman Niera sa mga kasong murder. Ayon sa ulat, bandang alas-5:45 ng umaga nang lusubin ng mga awtoridad ang hideout ni Niera sa Barangay Ambulong, Tanauan City dahil na rin sa mga ibinigay na impormasyon ng mga impormante. Si Niera na may patong sa ulo na P.4 milyon bilang reward money ay hindi naman lumaban sa pulisya at kasalukuyang nakapiit sa holding center ng RIID sa PRO-4. (Ed Amoroso/Arnell Ozaeta)

Show comments