Barangay captain itinumba sa botika

LAGUNA — Kamatayan ang sumalubong sa isang barangay captain makaraang barilin sa ulo ng nag-iisang lalaki sa harap ng isang botika sa naganap na karahasan noong Sabado ng gabi sa San Pablo City, Laguna.

Kinilala ni P/Senior Superintendent Francis Elmo Sarona, San Pablo City chief of police, ang biktimang si Barangay Captain Adonis Pecayo ng Barangay San Vicente sa nabanggit na lungsod.

Ayon sa imbestigasyon, bandang alas-7:45 ng gabi habang bumibili ng gatas si Pecayo sa 5-L Pharmacy sa bahagi ng Flores Street na sakop ng city town proper nang lapitan ng nag-iisang armadong lalaki.

Dahil sa maraming tao ay naghintay ang biktima para makabili ng gatas.

Ayon sa ilang saksi, agad na nagbunot ang ’di kilalang lalaki at pinaputukan ng baril sa likurang bahagi ng katawan ang biktima.

Bagamat sugatan ang biktima ay naitakbo pa sa San Pablo District Hospital ng ilang nakasaksi sa insidente, subalit idineklarang dead-on-arrival ng attending physician na nakilala lamang na Dr. Abukin.

Nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga awtoridad matapos ang pamamamaril habang patuloy pa rin inaalam kung ano ang motibo ng pamamaslang.

May teorya ang pulisya na may matinding galit ang killer laban sa biktima. (Arnell Ozaeta/ Joy Cantos)

Show comments