Pulis tiklo sa pagpatay

CAVITE – Bumagsak sa kamay ng mga tauhan ng Police Regional Mobile Group-4A ang isang tauhan ng pulisya na pinaniniwalaang sangkot sa pagkakapaslang sa isang barangay captain sa isinagawang operasyon sa Barangay Maitim 2nd West, Tagaytay City, Cavite kahapon.

Kasalukuyang naghihimas ng rehas na bakal ang suspek na si SPO2 Benefredo Angcaya na nakatalaga sa himpilan ng pulisya sa bayan ng Amadeo, Cavite.

Tugis naman ng pulisya ang dalawa pang kasamahan ng pulis na sina Sergio Angcaya at Carlos Angcaya.

Ang pagkakaaresto kay SPO2 Angcaya ay bunsod ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Edwin C. Derida Jr., Cavite 4th Judicial Regional Trial Court, Branch 18 sa Tagaytay City sa ilalim ng criminal case TG-4900-05 dahil sa kasong murder.

Nasakote ang suspek matapos na salakayin ng mga awtoridad ang pinagkukutaan ng mga suspek, subalit sa hindi inaasahang pagkakataon ay nakapuga ang dalawang Angcaya at si SPO2 Angcaya ang nadakip.

Base sa rekord ng pulisya, ang tatlong suspek ay itinuturing na responsable sa pagpatay sa biktimang si Barangay Captain Leonidez Bayot ng Barangay Maitim 2nd West, Tagaytay City noong July 30, 2004. (Cristina Timbang)

Show comments