Drayber tinodas dahil sa pasahero

ANTIPOLO CITY – Patay ang isang tricycle driver matapos na saksakin ng kanyang kasamahan dahil sa agawan sa pasahero kahapon ng umaga sa Sta. Cruz ng lungsod na ito.

Namatay habang ginagamot sa Unciano Medical Center ang biktimang si Nestor Cortez, 35, ng Morosi Compd., Taktak Road, Brgy. Sta. Cruz ng naturang lungsod. Mabilis namang tumakas ang suspek na nakilalang si Danilo Opiana, ng Sitio Nagpuso, Purok Sampaguita ng naturang barangay.

Batay sa ulat ni PO2 Orlando Jalmasco, naganap ang insidente dakong alas-9:30 ng umaga nang magkasalubong ang dalawa sa kahabaan ng Purok Sampaguita at sa hindi inaasahan ay bigla na lang sinaksak ng suspek ang biktima.

Napag-alaman na bago ang insidente ay nagtalo ang dalawa matapos na mag-agawan sa isang pasahero ilang oras na ang nakalipas kaya nagbanta ang suspek sa biktima na papatayin. (Edwin Balasa)

Show comments