Anak kinatay ng ama bago nag-suicide

CAMP CRAME – Pinaniniwalaang sinapian ng masamang espiritu ang isang ama makaraang pagtatagain hanggang sa mapatay ang sariling anak na babae saka isinunod ang lima pang miyembro ng pamilya nito na nasugatan bago tuluyang nag-suicide sa bayan ng Bansalan, Davao del Sur, ayon sa ulat kahapon.

Kinilala ang kinatay na biktima na si Khari Leslie Popoy, 12-anyos na dalagita at ang nag-suicide na ama sa pamamagitan ng paglaslas ng leeg ay nakilala namang si Carlos Popoy na posibleng may kapansanan sa pag-iisip.

Nasa kritikal namang kondisyon sa Davao City Medical Center ang dalawa sa mga nasugatang biktima matapos na magtamo ng mga taga sa iba’t-ibang bahagi ng katawan na sina Lucia Puson Popoy at anak nitong lalaking si Candler Popoy.

Idineklara namang nasa ligtas ng kalagayan ang mga biktimang sina Flora Popoy, Edgar Popoy at Carlita Cagat.

Lumitaw sa inisyal na ulat, naitala ang insidente dakong alas-9:35 ng umaga sa bahay ng pamilya Popoy sa bahagi ng Lower Tinungtongan, Bansalan ng lalawigang nabanggit.

Napag-alamang bago maganap ang krimen ay nagalit at nag-init ang ulo ng suspek hanggang sa ito ay mag-amok hawak ang matalim na itak.

Agad na nilapitan ang anak na dalagita at pinagtataga sa iba’t ibang bahagi ng katawan na ikinasawi nito, habang isinunod namang pagtatagain ang iba pang miyembro ng kanilang pamilya.

Dahil sa ingay na likha ng pamilya Popoy ay nakatawag ng pansin sa ibang kapitbahay at nang mamataan ang presensiya ng mga nagrespondeng awtoridad sa halip na sumuko ay nilaslas ng suspek ang kaniyang leeg na siya nitong ikinamatay.

Kasalukuyang inaalam ng pulisya, ang motibo ng krimen.

Show comments