Mister tinodas ng kaalitan
February 23, 2006 | 12:00am
CAVITE Sinaksak at napatay ang isang 27-anyos na mister ng kanyang nakaalitan habang ang biktima ay naghihintay ng masasakyan sa kahabaan ng Calamba-Tagaytay road sa Cavite kamakalawa ng gabi. Naisugod pa sa ospital, subalit binawian ng buhay ang biktimang si Nomeriano Maguinao ng Barangay Sungay East, Tagaytay City. Sumuko naman sa himpilan ng pulisya ang suspek na si Ruben Concepcion, 20, ng Barangay San Jose ng nabanggit ding lungsod. Ayon kay SPO3 Leonardo Mojica, naitala ang krimen dakong alas-10:00 ng gabi habang naghihintay ng pampasaherong dyipni ang biktima kasama ang sariling utol. Nang mamataan ng suspek ang biktima ay agad nitong nilapitan at isinagawa ang krimen. (Cristina Timbang)
LABO, Camarines Norte Dalawa ang iniulat na nasawi kabilang na ang isang kawal ng Phil. Army, habang dalawa naman ang sugatan sa naganap na madugong engkuwentro ng mga rebeldeng New Peoples Army at tropa ng militar sa kagubatan ng Sitio Nalisbitan, Barangay Dumagmang sa bayan ng Labo, Camarines Norte, kamakalawa ng tanghali. Namatay habang ginagamot sa Mother Seton Hospital si PFC Ramir B. Llandelar, habang ang nasawing rebelde ay kasalukuyang bineberipika ang pagkikilanlan at narekober ang isang M16 rifle at ilang subersibong dokumento. Ginagamot naman ang mga sugatang sina Lt. Roger Gobway at PFC Randy Qillamar ng 31st Infantry Battalion. Sumiklab ang sagupaan matapos na mamataan ng military ang grupo ng rebelde na nangangalap ng revolutionary tax sa mga residente. (Francis Elevado)
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Sinalakay ng mga rebeldeng New Peoples Army ang extension office ni Mayor Dante Arandia sa Barangay Caratagan sa bayan ng Pio Duran, Albay kamakalawa ng gabi. Ayon kay P/Chief Supt. Victor Boco, police provincial director, naitala ang insidente dakong alas-6:30 ng gabi habang ang mga tauhan ng alkalde ay nasa loob ng nasabing opisina. Napag-alamang hinahanap ng mga rebelde si Mayor Arandia, subalit wala sa kanyang opisina. Agad na niransak ng NPA rebs ang nasabing opisina tangay ang ilang mahahalagang gamit saka tumakas sakay ng trak na walang plaka. Hindi nabatid ang pakay ng mga rebelde sa nasabing alkalde. (Ed Casulla)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest