Binawian ng buhay habang ginagamot sa Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center sa Batac, Ilocos Norte ang biktimang si Johnny Silvano, 50, binata at residente ng nasabing lugar.
Napag-alamang kararating lamang ng biktima sa compound ng kanilang bahay lulan ng kanyang sasakyan mula sa sabungan.
Bandang alas-8:40 ng umaga kamakalawa, nang bumaba sa sasakyan ang biktima at kinuha ang baril nito na naiwan sa drivers locker at isinukbit sa baywang, subalit sa hindi inaasahan ay nakalabit nito ang gatilyo at aksidenteng pumutok.
Nasapul ng bala ang biktima sa kanang bahagi ng kaniyang baywang na lumagos sa kaliwa at mabilis namang isinugod sa Piddig District Hospital, subalit dahil sa maselan nitong kalagayan ay inilipat sa Mariano Marcos Hospital and Medical Center sa bayan ng Batac.
Sinikap naman ng mga doktor na isalba ang buhay ng biktima, subalit hindi napigilan ang pagsalubong ni kamatayan dakong alas- 3 ng hapon.