Hepe ng traffic enforcer, itinumba

CAMP CRAME — Tinambangan at napatay ang isang 50-anyos na hepe ng traffic enforcer makaraang pagbabarilin ng mga hindi kilalang kalalakihang sakay ng motorsiklo habang nag-aayos ng daloy ng trapiko ang biktima sa Barangay Road, Phase 2, Fidela Village sa Barangay Plazang Luma sa bayan ng Arayat, Pampanga kamakalawa.

Napuruhan sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Elias Cunanan, hepe ng traffic enforcer sa bayan ng Arayat, Pampanga.

Batay sa ulat ng pulisya, pinagbabaril ang biktima dakong alas-8 ng umaga sa kahabaan ng Barangay Road sa nasabing bayan.

Napag-alamang nagsusuperbisa ang biktima sa daloy ng trapiko sa naturang lugar nang sumulpot ang mga armadong salarin na lulan ng motorsiklo at isinagawa ang pananambang.

Matapos na masigurong patay na ang biktima ay mabilis na nagsitakas ang mga killer patungo sa hindi nabatid na direksyon. (Joy Cantos)

Show comments