Opisyal ng asosasyon itinumba

BULACAN — Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 39-anyos na opisyal ng asosasyon ng traysikel ng hindi kilalang lalaki habang ang biktima ay namamasada sa Barangay Bangkal, Malolos City, Bulacan kamakalawa ng gabi. Napuruhan sa katawan ang biktimang si Edilberto Borba matapos na harangin at ratratin dakong alas-8:30 ng gabi habang sakay ng kanyang traysikel. Ayon kay SPO2 Ruperto Borlongan, na posibleng may nakabanggaan ang biktima bilang opisyal ng asosasyon kaya isinagawa ang krimen. (Efren Alcantara)
Sundalo nilamon ng ilog
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Isang sundalo ng Philippine Army ang iniulat na nasawi makaraang lamunin ng ilog habang nagsasagawa ng pagpapatrulya kasama ang ilang kawal sa Barangay Sagrada sa Iriga City kamakalawa. Nakilala ang biktimang si Private First Class Rolando Oli ng 22nd Infantry Battalion ng Phil. Army sa ilalim ng 9th Infantry Division na nakabase sa Barangay Mabalodbalod, Tigaon, Camarines Sur. Batay sa ulat, inanod ng malakas na agos ng tubig sa ilog ang biktima habang tumatawid. Natagpuan ang bangkay ng biktima ng kanyang mga kasamahang sundalo sa hangganan ng Barangay San Ramon at Barangay Sagrada ng nabanggit na lungsod. (Ed Casulla)

Show comments