Sinabi ni Dr. Anthony Golez Jr., Deputy Administrator ng OCD, sa kasalukuyan ay patuloy ang kanilang pagmomonitor sa mga lugar na sinalanta ng flashfloods.
Batay sa report, dakong alas-6:00 ng umaga kahapon ng lumubog sa hanggang tuhod at dibdib na baha ang 24 barangay sa Casiguran, Aurora.
Samantalang dalawa pang lugar na kinabibilangan ng Bgy. Bagong Sikat at Tagumpay sa bayan naman ng Gabaldon, Aurora ang maapektuhan rin ng flashfloods sanhi ng pag-apaw ng Tupingan River dito.
Ayon kay Golez, anim na spill gates rin ng Magat Dam sa lalawigan ng Isabela ang kanilang binuksan upang maiwasan ang pag-apaw nito na kung di mapipigilan ay makakaapekto sa daan-daang pamilya na naninirahan sa lugar.
Nangangamba naman ang mga residente sa Aurora na maulit na naman ang landslide sa kanilang lalawigan.
Nabatid pa na ang malakas na pag-ulan ay sanhi ng active low pressure area may 570 kilometro ang layo sa Coron, Palawan na inaasahang magdudulot pa ng hindi magandang lagay ng panahon. (Joy Cantos)