Dalaga ni-rape slay ng manliligaw

CAVITE – May posibilidad na hinalay muna bago pinaslang ang isang 23-anyos na dalaga ng kanyang masugid na manliligaw sa naganap na karahasan sa bahagi ng Barangay Sampaloc 2 sa bayan ng Dasmariñas, Cavite kamakalawa.

Walang saplot sa katawan at basag ang mukha nang madiskubre ang bangkay ng biktimang si Diana Copon 23, jobless at residente ng Barangay Amuntay, Zone 3 ng bayang nabanggit, samantalang tugis naman ng pulisya ang suspek na si Rodel "Nono" Carataw ng nabanggit na barangay.

Natagpuan ang duguang bangkay ng biktima sa likurang bahagi ng South Star Hardware ganap na alas-4:30 ng hapon, ayon kay PO3 Valero Bueno.

Napag-alamang huling namataang buhay ang biktima noong Linggo ng gabi (Enero 22) sa birthday party ng kaibigang si Jayson Moijica sa Barangay Sampaloc 1 ng bayang nabanggit.

Ilang kaibigan ng biktima ang nakakitang kausap ng suspek ang dalaga, ayon pa ulat.

Nabatid na nagpaalam na uuwi na ang biktima sa kanyang pinsang babae at sinundan naman ng suspek habang papalabas ng birthday party.

Simula noong magpaalam ang biktima ay hindi na nakauwi pa hanggang sa madiskubre ang bangkay nito sa nabanggit na lugar.

Narekober sa crime scene ang naiwang panyo ng suspek na isa sa matibay na ebidensya laban sa krimen.

Nabatid na ang panyo ay namataan ng ilang kaibigan ng biktima sa nasabing party na nakatali sa ulo ng suspek na pinaniniwalaang maagang mareresolba ang kaso. (Cristina Timbang)

Show comments