Halos nagkalasug-lasog ang katawan ng magkapatid na biktimang sina Allan at Alano Catipay, 15 at 14-anyos sa pagsabog ng granada.
Sa report ni Escalante City Police Chief Inspector Mateo Maguate, ang ina ng mga biktima na kinilalang si Merlie, 35; mga kapatid na sina Mariane, 10 at Mary Ann, 12 ay mabilis na isinugod sa pagamutan matapos na magtamo ng mga tama ng shrapnel sa ibat-ibang bahagi ng katawan.
Ayon sa imbestigasyon, ang nasabing granada ay natagpuan ng biktimang si Alano habang nagsasaka sila sa kanilang bukirin sa Sitio Sampinit II, Brgy. Libertad bandang alas-4 ng hapon
Tinawag nito ang kanyang kapatid na si Allan at bunga ng sobrang kakulitan ng magkapatid ay pinagtulungang pukpukin ng malaking tipak ng bato ang granada.
Isang malakas na pagsabog ang narinig sa lugar kung saan ay kapwa dead-on-the -spot sa insidente ang magkapatid habang malubha namang nasugatan ang tatlo pang miyembro ng kanilang pamilya.
Pinaniniwalaan namang ang nasabing granada ayon sa pulisya kundi man pag-aari ng mga rebeldeng New Peoples Army (NPA) ay nalaglag sa tropa ng mga sundalo na madalas magpatrulya sa nasabing lugar. (Joy Cantos)