Sa 18-pahinang desisyon ni Judge Silvino Pampilo Jr. ng Binangonan Regional Trial Court, Branch 67, haharap kay kamatayan ang mga akusadong sina George Marciales at Orly Nabia na pumaslang sa mga biktimang sina Felix Regencia, Alexander Diaz at Byron Dimatulac noong Hunyo 22, 2000 sa gasolinahang sakop ng Tayuman, Binangonan, Rizal.
Bukod sa hatol na bitay ay pinagbabayad din ang mga akusado ng P3,234,950 sa mga naulila ng tatlo bilang danyos perwisyo.
Patuloy naman pinaghahanap ang dalawa pang akusado na sina Paul Pobre at isang alyas "Jun".
Base sa rekord ng korte, nilooban ng mga suspek ang Caltex refilling station na pag-aari ni Regencia sa nabanggit na bayan noong hapon ng Hunyo 22, 2000.
Napag-alamang nanlaban sina Regencia at Diaz sa mga akusado kaya pinagbabaril nila ang mga biktima hanggang sa mapatay.
Tinangka naman tulungan ni Dimatulac ang dalawa, subalit pinaputukan din ng mga suspek.
Binalewala ng korte ang alibi ng mga akusado at binigyan diin ang testimonya ng mga testigo na positibong nakilala ang apat na suspek.
Awtomatikong isusumite sa Court of Appeals ang desisyon ng mababang korte laban sa dalawang akusado para masusing rebisahin. (Edwin Balasa)