Mag-utol dinedo

BALANGA CITY, Bataan – Magkasunod na sinaksak at napatay ang mag-utol na lalaki ng kanilang kabarangay na pinaniniwalaang may matagal na alitang namagitan sa mga biktima sa naganap na karahasan sa Barangay Munting Batangsad, Balanga City, Bataan kamakalawa.

Kinilala ni P/Supt. Magno Biag, hepe ng Balanga City PNP, ang mga biktimang sina Marcial Sarmiento, 32, may-asawa at Bernabe Sarmiento, 34, binata na kapwa naninirahan sa nabanggit na barangay.

Kalaboso naman ang kinasadlakan ng suspek na si Roger Pelahiyao, 34, may-asawa ng naturang lugar.

Lumitaw sa pagsisiyasat ni SPO4 Sonny David, naitala ang kirmen dakong alas-4:00 ng hapon kahapon matapos na sugurin ng suspek ang mag-utol sa sariling bahay.

Bago maganap ang krimen ay kinompronta ng suspek ang mag-utol tungkol sa matagal na alitang namagitan hanggang sa magkasigawan na nauwi sa pamamaslang.

Idineklarang patay sa Bataan General Hospital si Marcial, samantalang namatay din kaagad si Bernabe habang ginagamot.

Kasong double homicide ang isinampang kaso ng mga awtoridad sa naturang suspek habang naghihimas ng rehas na bakal. (Jonie Capalaran)

Show comments