Trader itinumba sa palengke

CABANATUAN CITY – Binaril at napatay ang isang 58-anyos na babaeng negosyante ng nag-iisang killer habang ang biktima ay naglalakad sa labas ng Sangitan Public Market sa Barangay Magsaysay Norte, Cabanatuan City noong Martes ng gabi (Dis. 13).

Tinamaan sa ulo ang biktimang si Carmen Macatiag, negosyante ng saging, at residente ng Baler, Aurora.

Samantala, dalawa namang sibilyan ang nadamay nang tamaan ng ligaw na bala habang namimili ng mga gulay.

Nabatid na dakong alas-6:30 ng gabi naganap ang insidente nang magkasalubong ang dalawa sa naturang palengke na katabi lang ng barangay hall.

Malapitang binaril ang lady trader kaya nagtakbuhan ang mga namimili na sinamantala naman ng suspek para makatakas.

Ayon sa pulisya, posibleng may kinalaman ang awayan sa lupa bilang motibo sa pagpatay sa biktima.

Napag-alaman na nakatakdang desisyunan ang lupang pinag-aawayan ng biktima at hindi tinukoy ng partido sa lokal na korte ng Baler.

Patuloy naman na nagsasagawa ng manhunt operation ang pulisya laban sa killer na pansamantalang hindi tinukoy ang pagkikilanlan. (Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments