Pulis itinumba ng NPA rebels

Camp Crame – Binistay ng bala hanggang sa mapatay ang isang pulis ng limang armadong kalalakihan na nagpakilalang kasapi ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Poblacion, Giporlos, Eastern Samar kamakalawa.

Dead-on-the-spot sa insidente ang biktimang kinilalang si SPO1 Victor Leona, nakatalaga sa Giporlos Municipal Police Station (MPS) matapos na magtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa ulat, naganap ang pamamaslang sa biktima sa bisinidad ng Brgy. 1, Poblacion, Giporlos ng lalawigang ito bandang alas-12 ng tanghali.

Bigla na lamang umanong sumulpot sa lugar ang limang armadong rebelde at kasunod nito ay pinagbabaril ang biktima.

Duguang bumagsak sa lupa ang biktima na nilapitan pa ng mga rebelde saka tuluyang tinapos ang buhay nito at kapagdaka’y nagsisigaw na sila’y mga NPA habang patakas sa lugar.

Isinasailalim pa ng mga awtoridad sa masusing imbestigasyon ang motibo ng krimen. (Joy Cantos)

Show comments