7 patay sa AIDS

Camarines Norte – Pito katao ang iniulat na nasawi matapos umabot na sa kabuuang 25 katao ang nakapitan ng nakahahawang sakit na Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS), ayon sa lokal na tanggapan ng Department of Health (DOH) sa Bicol Region kahapon.

Batay sa ulat ni Dr. Alan Lucañas, Regional Coordinator ng DOH-Center for Health Development, ang naitala na may pinakamataas na kaso ng AIDS ay ang lalawigan ng Camarines Sur na umaabot sa 10 katao, sinusundan ng Albay, 8, Sorsogon, 3, Camarines Norte, 2.

Samantalang ang lalawigan ng Catanduanes at Masbate ay may tig- isang kaso ng AIDS.

Nabatid na ang mga tinamaan ng nakahahawang sakit ay nasa gulang na 4 hanggang 59 na taon, 18 dito ay buhay pa hanggang sa kasalukuyan at patuloy na inoobserbahan ng mga manggagamot.

Karamihan sa mga pasyenteng kinapitan ng nasabing sakit ay nakuha sa sexual intercourse, blood transmission, prenatal origins at ilan dito ay gumagamit ng ipinagbabawal na gamot sa pamamagitan ng paggamit ng iisang karayom.

Sa kaugnay na balita, mahigpit namang ipinatutupad ng DOH- Camarines Norte ang isinasagawang monitoring sa mga kababaihang nagtatrabaho sa bahay aliwan upang maiwasan pa ang pagtaas ng bilang ng nakamamatay na sakit.

Show comments