Retiradong kawal tinodas sa KTV
CAVITE Binaril at napatay ang isang 57-anyos na retiradong kawal ng pamahalaan makaraang makasagutan ang isa sa grupo ng mga suspek habang nasa loob ng KTV sa Barangay Manggahan sa bayan ng General Trias, Cavite, kamakalawa ng gabi. Napuruhan sa dibdib ng bala ng baril ang biktimang si Ernesto Viado ng Phase 2, Barangay Luciano sa Trece Martirez City, Cavite. Isa sa mga suspek na nakabaril sa biktima ay nakilalang si Anthony Comia ng Barangay Hugo Perez ng nabanggit din lungsod. Ayon kay PO2 Edgardo Gallardo, nakikipag-inuman ng alak ang biktima sa kanyang mga kaibigan nang komprontahin ng suspek sa pag-aakalang siya ang pinag-uusapan hanggang sa magkarambulan at maganap ang krimen sa Fairway Grills KTV. (Cristina Timbang)
CAMP AGUINALDO Bumagsak sa kamay ng mga awtoridad ang itinuturing na kasapi ng bandidong Abu Sayyaf Group na may kasong kidnapping makaraang maharang sa checkpoint na itinayo sa Calle posporo sa Barangay San Rafael, Isabela City, kamakalawa. Kasalukuyang sumasailalim sa tactical interrogation ang suspek na si Eduardo Monte, alyas Abu Arabi. Ayon kay Army Spokesman Major Bartolome Bacarro, si Monte ay may warrant of arrest sa kasong kidnapping na inisyu ni Judge Domingo Kinazo ng Basilan Regional Trial Court Branch 2 noong 2002. Nag-isyu rin ng warrant of arrest si Judge Danilo Bocoy laban sa suspek sa kasong pagtutulak ng bawal na gamot at frustrated homicide. (Joy Cantos)