Sa pinakahuling ulat na nakalap ng PSN kahapon, aabot sa 10-pasahero ng pampasaherong dyip na may biyaheng Olongapo-Subic-Zambales ang biktima ng panghoholdap sa kahabaan ng national highway na sakop ng Barangay Barretto, Olongapo City.
Ang nasabing holdap ay naganap ilang metro lamang ang layo mula sa pamunuan ng Olongapo City Police Office (OCPO) na kalimitang walang nagpapatrulyang PNP patrol vehicle.
Noong nakalipas na linggo lamang ay 7-pasahero naman ng pampasaherong jeepney patungong Barangay Sta.Rita, Olongapo City ang hinoldap ng mga hindi nakilalang armadong kalalakihan na may ilang metro lamang din ang layo mula sa tanggapan ng Police Community Precinct 1 ng OCPO.
Samantala, noong Nobyembre 14, ay tatlong beses na insidente ng panghoholdap ang naganap sa loob lamang ng isang araw kung saan sa magkakahiwalay na insidente ng krimen ay tig-isang oras ang pagitan sa bawat isang pampasaherong sasakyan.
Tinuligsa naman ng mga residente ang kapulisan sa Olongapo City dahil walang ginagawang pag-aresto sa mga suspek ng holdap na posibleng may kaugnayan sa ilegal na pasugalan sa nabanggit na lungsod (Jeff Tombado)