Kinumpirma kahapon ni Ruby Sahali, Regional Social Welfare Secretary ng Autonomous Region in Muslim Mindanao ang pagkasawi ng sanggol na kinilalang si Nurfaima Majid at 60 anyos na lolang si Layah Jamasali; pawang nasawi sa umaatikabong sagupaan ng magkabilang puwersa sa bayan ng Indanan nitong nakalipas na mga araw.
Sa report naman ng tanggapan ni Dr. Anthony Golez Jr., Deputy Administrator ng Office of Civil Defense (OCD), kabilang sa umaabot na sa may 12,0000 na mga inilikas na residente ay mula sa bayan ng Indanan, Panglima Estino, Panamao at Luuk, Sulu.
Sa bayan ng Indanan kabilang sa mga barangay na apektado ng giyera ng AFP laban sa bandidong grupo ay ang mga Brgys. Bud Turan, Kagay, Sawaki, Talibang, Upper Suwanga at Buansa na nakapagtala ng kulang-kulang sa 4,000 evacuees
Sa munisipalidad ng Panamao ay umaabot sa 1, 185 katao mula sa mga Brgy. Sait Poblanan, Tubig Ganiang, Tanda-Tanda, Upper at Lower Palibutan, Kulay-Kulay at Bud Seit.
Nabatid na sa Panglima Estino mula sa anim na barangay na kinabibilangan ng Punay, Likba, Mansada, Paliksa, Gaggi Lubat, Puntakan at Kabay ay may 2, 794 ang inilikas na mga residente, naitala naman sa mahigit 1,056 mula sa apat na barangay sa bayan ng Luuk ang nagsilikas at iba pa na napilitan na ring sumilong sa evacuation centers.
Ang sagupaan ng militar at ng grupo nina ASG Commander Albader Parad, Dr. Abu Pula at ng mga kapanalig ng mga itong puwersa ng MBG ay sumiklab may dalawang linggo na ang nakalilipas matapos ang pag-atake ng mga kalaban sa puwersa ng militar sa bayan ng Indanan.
Sa tala, umaabot na sa sampung sundalo ang nasasawi at tinataya namang 40 bandido ang napaslang matapos ang air strike at ground assault operations ng militar sa Mt. Tumatangis sa bayan ng Indanan na ikinasawi ng may 25 bandido noong Huwebes.