Pastor binoga ng 3 holdaper

CAMP CRAME Nasa kritikal na kondisyon ang isang Pastor at kaibigan nito makaraang barilin ng tatlong hinihinalang holdaper bago tangayan ng may P.5 milyong payroll money kamakalawa sa Pangasinan.

Ang mga biktima ay kinilalang sina Marvin Diaz, Pastor ng Northern Luzon Mission at kasamang si Harris Narvante, 26, isang bookkeeper.

Sa ulat, naganap ang insidente bandang ala-1:45 ng hapon sa National Highway, Brgy. Sta. Maria Norte, bayan ng Binalonan.

Nabatid na sakay ang mga biktima sa kanilang Mitsubishi Lancer (TGT 855) patungong norte nang bigla na lamang holdapin ng kasunod na motorsiklo at pinaulanan pa ng bala. Natangay sa mga biktima ang mahigit P500,000 na ipansusuweldo sana sa mga manggagawa ng Pastor.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Pangasinan Provincial Police upang matukoy at madakip ang mga suspek. (Angie dela Cruz)

Show comments